SHARING

Isang araw ng Sabado, buwan ng Abril, late 90s, papunta ako sa Branch Office namin sa San Pablo. Ang aking bunsong anak ay sumama sa akin at ang itinuturing kong anak na babae, pamangkin ko sa aking bayaw. Si panganay kasi ay may praktis sa church kaya di nakasama at si misis naman ay busy sa clinic. Since parang humabol lang iyong dalawa sa akin, dali dali silang nagpalit ng damit na pamasyal. Ang aking bunsong anak na lalaki ay mga 7 taon noon at si babae naman ay 4 na taon. Actually, di naman ako obligadong pumasok pag araw ng Sabado, pero gusto ko kausapin ang isang customer sa San Pablo.

Tuwang tuwa sila habang daan at nakipaglaro sa anak ng aking Secretary at Sales Representative sa San Pablo habang ako ay pumunta sa customer namin upang makipagusap. Bumalik ako sa opisina na natutulog ang dalawa, napagod siguro sa paglalaro pero nagmeryenda raw naman. Ginising ko sila at kami ay sa Calauan dumaan pauwi. Pagdating namin sa Bay, Laguna sabi ng aking bunsong anak na gusto raw nilang magswimming. Kaso mo, wala naman silang dala kahit anong gamit na pangswimming. Ang ginawa namin ay dumaan kami ng South Supermarket at bumili sila ng shorts, tshirt, tuwalya, sabon at kumuha na rin ako ng paper plates, softdrinks at ilang makakain. Bago pumasok sa resort sa Los Banos, dumaan kami sa Joey and Kempees Restaurant (parang mag-ama ni Joey at Kempee de Leon ano?) at bumili ng pagkain, adobong manok, menudo, relyenong bangos at kanin ang napili nung dalawa. Ako naman ay kumuha ng 1 kilong mangga.

Pumasok kami sa Batobato, nagrent ako ng isang maliit na hut at naligo na nga ang dalawa habang ako ay nagbabasa ng Robert Ludlum na pocketbook. Napansin ko ang isang mag-anak na hindi sa isang hut nagumpukan kundi sa damuhan sila at ang mga gamit ay naroon din. 2 batang babae, 1 batang lalaki mga 6 hanggang 8 taong gulang, at ang kasama nila ay dalawang matanda, lolo at lola siguro nila. Then, ang bunso kong anak ay nakita ko na kinausap ang isa sa batang babae at maya pa ay kasa kasama na sila nang mga bata sa paliligo.

Umahon ang mga anak ko at sinabing pahinga lang muna. Tinanong ko kung gusto na nilang kumain. Oo raw. Sabi ko ay gagabihin kami, kaya magbanlaw na at magbihis bago kumain, at sumunod naman sila sa akin. Nang bumalik ang dalawa ay nakabihis na, at nakita namin na kasama na rin ng Lolo at Lola ang mga bata, at naglatag ng mantel sa damuhan. Narinig ko (at alam ko rin na narinig ng dalawang bata), habang inilalatag ko ang pagkain sa mesa, na sinabi ng Lolo nila, “u kakain na tayo ha, sabay sabay tayo, kailangan na mapagkasya natin ang ating baon.”  Nakita namin na ang inilabas na pagkain ay isang maliit na container ng spaghetti at isang maliit na kalderong kanin. Naisip ko, spaghetti iuulam sa kanin. At di iyon magkakasya sa kanilang lima.

Napatingin ako sa aking mga anak. Nagkasulubong kami ng tingin ng mga anak ko. Walang salitang namagitan….Napatango ako sa bunso kong anak at hawak kamay niyang hinila ang itinuturing kong anak na babae papunta doon sa maganak. Naulinigan ko na sinabi ng bunso kong anak ke Lolo “Tang, doon na po kayo kumain sa aming mesa, marami naman po kaming pagkain. Sobra sobra po sa amin.” Nagulat ako sa aksyon ng aking mga anak, although ng tumango ako sa kanya, alam kong humihingi siya ng pahintulot sa akin. Ang matanda naman ay parang nahihiya, kaya lumapit na ako. “Lo, tara na po. Para po makaupo rin ng maayos ang mga apo ninyo. Luwag na luwag po kami doon sa hut namin.”

Napag-alaman ko na ulila na sa magulang ang mga apo nila. Ang magasawa na ang umaaruga sa mga ito. Tinutulungan naman sila ng iba nilang mga anak pero kailangan pa rin nilang maghanapbuhay. Si lolo ay ang pagrerepair ng mga lumang upuan, sulehiya kung tawagin, iyon bang webbed rattan ang sahig ng upuan, ang hanapbuhay at si lola naman ay pagtitinda ng kakanin. Ang spaghetti pa nga nilang baon ay tira sa paninda ni Lola. Pangako raw nila iyon sa mga bata kaya kahit na wala silang baon at naipambayad na nila sa entrance ay tumuloy sila. Ang mga bata raw ang dahilan kaya malakas pa rin sila sa edad nila. Dahil sila ang nagdadrive sa kanila para patuloy na mabuhay. Walang patid ang pasasalamat nila sa dalawa kong anak.  

Napakagaan ng pakiramdam ko nang pauwi na kami. Sa murang edad ng mga anak ko ay nakita ko na marunong silang tumulong at magshare sa ibang kapuspalad.

Ipinaubaya na sa maganak ni Lolo at Lola ang mga pagkain. Mas kailangan daw ng mga ito, at uminom na lang sila ng softdrinks.

Pagdating namin sa Sta. Rosa, hindi pumayag ang dalawa na hindi kumain sa Jollibee sa Waltermart.

Nagutom.

—-00000—-

“It’s always been fun. To share with everyone. If you’ve got one sandwich Cut that thing in half. If you know a secret joke. Tell it and share a laugh. If you’ve got one drumstick. Give one to your friend. Make one beautiful rhythm. Share a beat that never ends.” (Jack Johnson)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s