Pag lumaki pa iyan dito

Kasama sa pampalipas oras at pang-aliw namin dito kapag walang pasok ang magkuwentuhan ng kung anu-ano. Pag nasimulan sa isang topic ay talaga namang solved ang araw mo sa kaaliwang dulot ng walang patid na palitan ng karanasan, kalokohan at mga aral na napupulot sa mga kanya kanyang kuwento.

Kung inaakala ng marami na dahil malayo kami sa Pilipinas ay nahuhuli kami sa balitang showbiz, kadalasan ay dito pa nga nauuna sa balita. Kahit ang PBA, ang mga laban ni Pacquiao, ang mga balitang krimen, bagyo, aksidente, o mga personalidad ay updated ang mga taga rito.

Pag nagkakakuwentuhan ang magkakasama nawawala ang homesick at ang lungkot ng malayo sa sariling bayan.

Isa sa gusto kong kuwentuhan ay iyong tungkol sa mga sariling buhay, kasi doon makikita mo kung paano nadidevelop ng husto ang samahan. Doon maririnig mo ang pagbibigay ng mga opinion at payo na minsan ay logical at minsan ay nakakatawa. At doon mo rin matatantiya ang level ng pang-unawa at pagkatao ng iyong kasama.

Mayroon kaming mga kasama rito na may likas na hangin sa katawan, meron namang tahimik lang at paminsan minsan nakikisawsaw sa usapan. Mayroong relihiyoso na laging may kaangkop na relihiyon ang bawat sasabihin, at meron namang ipinagmamalaki ang kanyang pagiging senior dito sa kompanya kaya laging gusto ay siya ang pakikinggan at hahangaan.

Minsan ay nagkukuwentuhan ng tungkol sa mga gawain sa Pilipinas.

“Alam mo sakto ang pagkakahire sa akin ng kompanya sa pagbenta ko ng alaga kong baboy, “ bungad ni Teryo (sadyang ibahin ko ang mga pangalan ng tauhan dito sa post na ito). “Biro mo wala pang 5 months kong inaalagaan ay 100 kg na agad. Kumita ako ng malaki roon.”

“Ay wala iyan sa inalagaan kong baboy,” ang pakli ni Doroy. “4 months pa lang 100 kg na, ang ganda pa ng laman.”

“Ako rin ay suwerte sa pagkahire dito. Umani ako ng 120 cavan sa palayan ko kaya me nagastos ako pagaayos ko ng papeles, “ ang sabat naman ni Onyong na taga Nueva Ecija.

“Mahina ang ani mo. Iyong palayan ko sa Tarlac ay 150 cavan ang inani ko, “ si Doroy uli at mukhang talagang lagi ay gustong siya ang magaling.

“Iyong palayan ko ay ginamit ko ang ilang bahagi sa pagtanim ng sitaw at talong kaya ganoon ang inani ko!” ang medyo asar nang sagot ni Onyong.

“Iyon din namang sa akin e, hindi lang sitaw at talong, mayroon pang pakwan at sibuyas, pero malaki pa rin ang inani ko. Nasa diskarte lang iyan e!” ang sagot ni Doroy.

“Ako naman, nagtry din magtanim sa aming likod ng bahay, kasi medyo malaki ang bakuran ko sa Pakil, Laguna. Nagpagapang ako ng sayote at me ilang puno ng kamatis.” Ang pasok naman ni Binong. “Ang sayote ko ay di gaanong lumaki pero ang kamatis ay halos gangga bola ng tennis ang laki.”

Dito medyo umiinit na ang yabangan at nagsimula na namang pumasok si Doroy.

“Me tanim din akong kamatis e, grabe ang bunga.” Ang bungad pahangin ni Doroy.

Bigla siyang pinigilan ni Teroy.

“Ang kamatis ko ay kasinliit lang ng aking kamao. Pag lumaki pa dito ang kamatis mo, tatama na sa iyo ang kamatis ko.” Sabi ni Teroy sabay turo sa kanyang kamao.

Parang binutas na lobo si Doroy. Tawanan ang lahat.

After that magkakasama kaming nanuod ng Enteng Kabisote at nagmeryenda ng pansit at pandesal.

—-00000—-

“No, and I ain’t lookin’ to fight with you. Frighten you or tighten you. Drag you down or drain you down. Chain you down or bring you down. All I really want to do, Is be friends with you. I ain’t lookin’ to block you up. Shock or knock or lock you up. Analyze you, categorize you. Finalize you or advertise you. All I really want to do. Is, be friends with you. I don’t want to straight-face you. Race or chase you, track or trace you. Or disgrace you or displace you. Or define you or confine you. All I really want to do. Is, be friends with you.” – Bob Dylan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s