Power Trips – Part 2 (Kabayan Version)

Ang power tripping ay hindi lang sa ibang lahi. Ito rin ay talamak sa kapuwa pinoy natin sa dakong ito ng mundo. Heto ang Part 2 ng power trips na tungkol naman sa mga kababayan nating malalakas ang tama.

LAKAS TAMA – 1

Si Manager na Pinoy ay kinagalitan ang isa niyang Salesman dahil late na pumasok. First time na late pumasok si Salesman sa halos 2 taon na niya sa kompanya. Masama ang pakiramdam niya ng umagang iyon (di naman naglilihi) pero pinilit pa rin niyang pumasok dahil may meeting siya with a customer at 10AM. Mag-inspect kasi iyong customer sa planta nila.

7:30 AM ang time nila, pero si Mr. Salesman ay wala pang 7 AM ay nasa office na. Si Pinoy Manager ay pinakamaaga na ang 9AM kung dumating sa office. Sa madaling sabi ay laging late.

16500299-boss-is-angry-to-his-worker-for-being-late

Dumating si Mr. Salesman sa opisina ay 915AM at sinalubong agad siya ng katakot takot na bulyaw ni Pinoy Manager. Sinabi niya na masama ang pakiramdam niya, nagpilit lang nga siyang pumasok. Kinatkatan pa rin siya dahil dapat daw ay maging responsible lalo na at may bisita na paparating. Dito na nagpanting ang tenga ni Mr. Salesman at sinagot na si Pinoy Manager, in tagalog of course. Kasi nahihiya naman si Mr. Salesman na maintindihan pa ng ibang lahi ang pinagaawayan nila, e pareho silang PInoy.

“Masama nga ang pakiramdam e. Nakakaintindi ka ba? E ikaw nga, araw araw kung pumasok pasado alas 9 na, tapos nalate lang ako isang beses, ang dami mong sinasabi riyan. Hindi ka marunong umintindi sa tauhan mo.” Ang asar na sabi ni Mr. Salesman.

“Tauhan lang kita, huwag kang mangatwiran. At saka, Manager ako. Manager. Privilege ko iyon as a Manager. Kahit anong oras ko gustong pumasok. Mag-manager ka muna bago mo ako punahin!”

Kabayan, gisingin mo ang mantika mo.

LAKAS TAMA – 2

Pagkakanan ko sa from 1st Street to King Saud sa may tapat ng Kadiwa Store ay may mabilis magmanehong naka GMC – Tahoe. E di ang laki ng sasakyan niya e naka – sedan lang ako panay ang busina. Tapos, nung makaderetso na ako panay ang ilaw sa akin at nang tingnan ko sa rear view mirror, panay ang senyas sa akin at galit na galit.  Sa tingin ko ay parang ang ibig niyang sabihin “tabi tabi kayong lahat daraan na ako.”

Dahil nga sa malaki siya, ay hindi siya gaanong makasingit at napansin ko na panay ang ilaw at busina niya sinuman ang nasa unahan niya at nagwawasiwas siya ng kamay. Di ko gaanong maaninag ang mukha dahil nga mga 7pm na. Kumanan ako sa 1 Street at again ay kumanan ako sa King Faisal St. kung san nakakita ako ng space to park sa may tapat ng Queen’s Pinoy Bakeshop, malapit sa kanto.  Pagbaba ko ng sasakyan, napansin ko ang Tahoe ay papakanan din sa sa King Faisal St. at busina ng busina, ilaw ng ilaw. Kako sa sarili ko, ito talagang mga Arabo oo, nambubully na naman sa kalsada, aayaw ng may nasa unahan nila. Gusto laging malinis sa harapan nila at ayaw maabala.

Noong tatawid ako ng kalsada papunta sa 7-11 Restaurant (parang sa Pinas lang ano?) nakita ko na ang Driver ay pinoy at talagang nanggagaliti sa mga nasa unahan niya. At anak ng tokneneng, empleyado pa yata namin na nakaassign sa Aramco kasi nakatatak sa side ng sasakyan ang pangalan ng kompanya namin at ang co. vehicle number. Kilala ko ang mokong, isang projects inspector nakaassign sa Northern Operations. Di gumagalaw ang traffic at busina siya ng busina, with curse, with ilaw, with wasiwas ng kamay. Nilapitan ko siya at tinapik sa bintana. Pagbukas niya ng bintanan, sinabi ko sa kanya “mukhang galit na galit ka a Manedyer?” sabay pakita ng ID ko sa kanya.

Para siyang nahimasmasan ng makilala ako at sumagot na “e kasi Sir, mga gago itong mga ibang lahi magmaneho e, nakakainis na.”

“Boss, Manager, Commander, Chief Cook, talagang mainit kang magmaneho, kanina, sa may kanto tapat ng Kadiwa, ako ang binubusinahan mo at sinisenyasan mo ng dirty finger. Porke malaki ang sasakyang gamit mo ‘na pagamit ng ating kompanya sa iyo, na ako pa mandin ang pumili ng units para sa inyo’ e ganyan na ang asal mo sa kalsada. Pinoy ka pa naman. O ano? Gusto mo pahabain natin ang issue? Maghaharap tayo sa opisina? Navideo kaya kita. Alam mo iniingatan ko lang ang hindi ka patulan ng ibang driver, iyong hindi masalbahe ang sasakyan dahil ikaw din naman ang maapektuhan at magbabayad pag sinalbahe iyan. At tama na iyong ang mga Arabo, Indian, Jordanian, Lebanese, ibang lahi ang masabing bastos sa kalsada. Huwag lang tayong mga Pinoy. ” Ang sabi ko a kanya.

“Pasensiya na po Sir. Di na mauulit. ” ang sabi niya na kakamot kamot sa ulo.

Hay naku. Secretary pa lang iyon. Lalo na siguro kung naging katulad na siya ni Lakas Tama – 1.

LAKAS TAMA – 3

Punta ako sa isang Pinoy Restaurant after office kasi 8pm na ako nakaalis. Umorder ako ng Thai Lomi, dahil medyo makati lalamunan ko para naman kako mainit ang sasayad dito.

Inoobserbahan ko ang mga kumakain, at aminin ko na medyo naging kritiko ako sa mga pagkaing inoorder ng mga kababayan natin. Pero ika nga e, kanya kanyang trip lang iyan e. Iyong isa ay kalderetang baka at fried chicken with sabaw ng bulalo at 2 kanin (I mentioned Isa, nagiisa lang siya), iyong isa naman ay sinigang na baka at kaldertang baka, parehong baka.

Nawala ang tuon ko sa pagtuligsa, pagbatikos sa mga orders ng maagaw ang atensiyon ko ng isang nakacoat and tie na mama. Me punto siyang magsalita, di ko na lang babanggitin kong saang rehiyon sa tingin ko siya nagmula, baka maakusahan pa ako ng regionalism. Mataas ang boses niya na tinawag ang waiter. Paglapit ng waiter ay agad na nagreklamo sa waiter.

“Bulalo ba ito ha! Bulalo? May bulalo bang ganyan. May sabaw bang ganyan. Malamig? Ang tagal kong naghintay tapos ganito lang ang isiserve ninyong pagkain sa akin? Aba nagbabayad naman ako ng maayos a.” talagang pasigaw na sabi ni KOTENTAY (Coat and Tie)

“Pasensya na Sir. Sige po, iiinit na lang namin. Sandali lang po.” ang sabi nung waiter.

“A hindi na. Sa iba na lang ako kakain. Ang bulok ng serbisyo ninyo.” sagot ni KOTENTAY. Lumapit ang pinaka head na pinoy na restaurant.

“Sir, pasensiya na po. Sandali lang po ito. Nasa kusina na iyong ulam ninyo. Iniiinit na po. Huwag po kayong umalis. Naorder na po kasi e. Machacharge sa waiter at cook itong pagkain na di ninyo babayaran.” ang pakiusap ng Head.

“E di babayaran ko kahit di kinain. Anong akala ninyo sa akin? Manager ako ng kompanya namin. Babayaran ko iyan kahit ayaw ko ng serbisyo ninyo.” bulyaw ni KOTENTAY.

At binayaran nga ni KOTENTAY iyong order at lumabas na ng restaurant.

Usapan ang mga kumakain pag alis ni KOTENTAY. Mayroong nagsabing si KOTENTAY daw ay dating Tea Boy, o Janitor lang ng kompanya tapos napagtiwalaan ng may-ari at after more than 10 years ay naging manager na nga. Mabait daw dati ito at palabati noong di pa nagiging manager, pero ngayon ay iniaangal daw ng mga tauhan ang kasamaan ng ugali.

Wala pang 5 minuto ay heto, bumalik si KOTENTAY at lumapit sa counter. Ipinababalot na iyong kanyang Bulalo.

Style mo bulok!

—000—

“Oh hey and I want all the leaders of the third world to answer to me. I want to be king I want to be king. So maybe now the pope will bow and kiss my ring.” – Sound Garden

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s