Listening and hearing. Sympathy and empathy.

Nag ring ang telepono ko at bahagya ko na narinig ang hello sa kabilang linya dahil sa ingay ng tawanan ng mga kasama ko. Bisita ko ang mga kasamahan ko sa trabaho at kasalukuyan kaming naghahapunan. Pilit kong  kinikilala ang boses ng tumatawag.

“Sir, sorry po, naistorbo ko kayo, pero gusto ko lang po kayong makausap. Kayo lang po ang alam kong malalapitan ko. Please lang po, pakinggan ninyo ako. Gusto ko po na pakinggan ninyo ako.”  Ang pakiusap niya sa akin. “Opo Sir, nakainom po ako, alam ko po na bawal ito sa Saudi, pero ito po ang alam kong paraan para ako ay magkalakas ng loob na sabihin ang aking nararamdaman, ang aking suliranin.”

Huminga ako ng malalim at nasabi ko sa sarili ko na heto na naman ang isang kapwa pinoy na alam na bawal uminom at narito kami sa bansang ito para kumita ng pera para sa mga mahal sa buhay, pero nang may karga na, ang daldal na. Naiiwan na ako sa kuwentuhan ng tropa at gusto ko na siyang sabihan na bukas na lang kami magusap.

“Sir, wala na ring silbi ang aking pagtatrabaho rito, wala na halos nakikinig sa akin. Palibhasa ay hamak na HR Assistant lang ako, ang kapuwa ko pinoy hindi ko makausap kapag naghahanap ako ng mapapaghingahan ng problema. Sa trabaho lagi na lang akong nasisita at napapagalitan ng aking among Indian, at natatakot ako na baka ako ay pauwiin o kaya kasuhan. Pero ngayon Sir, kahit pauwiin na niya ako. Ayoko nang pumasok, Sir.  Ayoko nang magtrabaho. Pasensiya na Sir, sa kung sa iyo ako tumawag. Sir, huwag mo akong pagbababaan ng telepono Sir. Maloloko na ako.“ Sinenyasan ko mga kasamahan ko na kakausapin ko lang muna ang nasa kabilang linya at pumunta ako sa kuwarto ko para mapakinggan ko siya ng husto.”

Pilit kong inaapuhap sa aking isipan kung sino ang kausap ko. “Sir, ngayon lang ako mag-oopen up sa ibang tao, kaya Sir..”

“Alam mo… “ ang bungad ko, nais ko sanang sabihin na kung anuman iyon ay bukas na kami mag-usap dahil nga sa nagkakatuwaan pa kami, pero pinutol niya agad ang aking sasabihin.

“Please, Sir. Huwag mo akong pagbabaan ng telepono. Pakinggan ninyo ako. Gusto kong may makinig sa akin.”

Tumahimik ako.

“Sir, nariyan ka pa. Please, Sir.”

May pagkainip akong sumagot, “nakikinig ako.”

“Sir, ang problema ko ay lumala dahil wala akong mapagsabihan, walang gustong makinig sa akin. Sino nga ba naman ang gustong makinig sa isang hamak na empleyado na katulad ko. Isang HR Assistant lamang na utos utusan at sinisigaw sigawan.”

Medyo napabuntunghininga ako at may kung anong bumara sa aking lalamunan.

“Okay, narito ako. Sige, makikinig ako,” ang sabi ko.

“Noong una Sir, bali-balita at nitong huli ay isinumbong na sa akin ng mga anak ko. Ang asawa ko ay may lalake. Di ko alam ang gagawin. Wala akong makausap. Gusto ko siya tanungin, pero natatakot ako na baka aminin niya di ko alam ang magiging reaksyon ko. Mahal na mahal ko ang asawa ko. Mahal na mahal ko mga anak ko.”

“Ituloy mo, sabi ko. Medyo nakaramdam na ako sa kanya ng awa.

“Naapektuhan ang trabaho ko Sir, alam mo iyon. Nakikita mo ang mga pagkakamali ko. Iyong isang request mo noon para sa Visa ng iyong anak di ko naisubmit on time. Kaya alam ko pati ikaw Sir ay nagalit sa akin.”

“Sir, gusto ko na mamatay. Gusto ko na magpasagasa sa mga sasakyang dumadaan. Kaninang umaga Sir, napansin ninyo na umiyak ako. Sir, tumawag ang asawa ko. Iniwan na ako, at ang mga anak ko! Ayoko na mabuhay Sir!”

“Huwag!” ang pasigaw kong sabi sa kanya. “Huwag mong gagawin iyan. Maraming umaasa sa iyo,” medyo pabulong na ang aking salita. “Sa trabaho, marami ang bilib sa iyo. Marami umaasa. Isipin mo, kung wala ka riyan, paano ang mga kasamahan mo, lalo na kapwa mo pinoy na sa iyo umaasa na maayos ang mga requests nila sa HR. Napakahalaga mo. Kung anuman ang ginawa ng asawa mo, ang intindihin mo ang mga nagmamahal sa iyo. Ang mga anak mo, papaano sila? Kumalma ka,” ang sabi ko sa kanya.

“Sir, sir, ano ang gagawin ko?” ang tanong niya. Medyo nakuha ko na ang loob niya.

“Umuwi ka na sa accommodation mo, tawagan mo mga anak mo. Give them assurance na ikaw ay di mawawala sa kanila. Think of the future. Think of may apo ka na. Di ba maganda sa pakiramdam? At baguhin mo attitude mo sa work. Napakahalaga mo sa kompanya. Hindi ka hamak na HR Assistant lang.”

Narinig ko na umiyak siya ng umiyak, bago nagsalita siya “Sir, salamat po. Uuwi na po ako. Kausapin ko ang mga anak ko. Maraming maraming salamat po.”

“Walang anuman. O, uwi ka na ha. At isasama kita sa prayer ko mamaya.”

Bumalik ako sa kusina at inisip ko, paano kaya kung di ko siya pinakinggan? Ano kaya ang nangyari sa kanya.

Pagpasok ko sa kusina, sinabihan ako ng tropa na tapos na sila kumain.

“Okay lang kako. Medyo may pinakinggan lang ako,” ang sagot ko, sabay tapik sa ulo ng aming HR Assistant, isa sa mga bisita namin, na labis niyang ipinagtaka.

Kinabukasan, tinawagan niya ako. Humingi siya ng pasensiya dahil nagkamali daw siya ng na-dial na number, at nagpasalamat dahil pinakinggan ko siya at natauhan siya.

“Way ni Lord iyon,” sabi ko sa kanya.

After about 3 months, tumawag siya sa akin, naghapunan kami sa Ramaniyah at sinabing magbabakasyon daw siya. Tapat na tapat sa graduation sa high school ng kanyang pangalawang anak. May awa daw ang Diyos at in two years, mayroon na siyang Nurse, ang panganay niya.

After 2 months, he sent me an email. Nasa Qatar na siya at maganda ang trabaho at sahod.

God gives us ears to listen. Use it. Lend it.

—-00000—-

“I’m not listening, not anymore. The more I hear, the more I ignore. I’m not listening, not anymore, No Cause You gotta be bigger, be faster, be stronger. If you’re gonna survive any longer. In this lifetime, it better be the right time. The first time might be your last time.” – Papa Roach